Mga sundalo sa Marawi, nakikidigma din sa Internet

Habang nangyayari ang mga aktuwal na bakbakan sa Marawi, ang mga sundalo ay nakikipagbakbakan din sa online world.

Nagkataon na ang 1st Infantry Division ng Philippine Army ay nagdaraos ng Digital Media Training Series nang sumiklab ang kaguluhan sa lungsod ng Marawi noong May 23.

Ang training ay bahagi ng inisyatibo ng division upang mapalawak ang kaalaman at kakayahan ng mga sundalo hindi lang sa harapang pakikipaglaban kundi pakikidigma rin sa larangan ng Internet.

Ayon kay Brig. Gen. Rolly Buatista, Commander 1st Infantry Division at ng Task Force Marawi, “dapat lang na palawakin ang kaalaman ng kasundaluhan sa mga makabagong teknolohiya ng Digital Media upang magamit ito sa pagpapalaganap ng impormasyon at mas mapalapit ang sundalo sa mga pamayanang aming pinaglilingkuran.”

Ang mga participants sa nasabing Digital Media Training ay bahagi na ngayon ng isang Social Media Monitoring Team ng 1st Division upang pagtuunan ang mga impormasyong kumakalat ukol sa kaguluhan sa Marawi.

Sinabi ni Gen. Bautista, na ginagamit din ng mga terorista ang Internet upang maipalaganap ang mga negatibo at mga maling impormasyon upang magdulot ng takot sa lipunan at pahinain ang tiwala sa pamahalaan.

Ayon naman kay Marlon Magtira, facilitator ng Digital Media Training, mas marami ang mga positibong sentimyento ukol sa mga military operations sa Marawi kumpara sa mga ilang negatibo at maling impormasyon na naipost sa mga Social Media networks tulad ng Facebook, Twitter at Instagram.

Layunin ng Social Media Team ng 1st Division na magpalaganap ng katotohanang nangyayari upang maiwasan ang iba pang mga kaguluhang maaaring idulot ng mga kalaban.

You might also like

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *